Sabihin man nila na isa akong baliw
Walang makakatanggi sa aking dangal at husay
Sapagkat ang mga gawa ko ay di magmamaliw,
Hindi lahat ng ako ay mamamatay
Dahil mga palaisipan ang aking iniaalay
Masisisi niyo ba ako
Kung ang ating Ina ay nakapako
Sa mga nasasakdal
at patuloy na nasasakal
Samantalang ang tulad niyo
ay nalilibang sa bawat uri ng luho.
Wala sa dugo kundi nasa puso
Sa kabilang dako
Mga mamamayang ordinaryo
Impit na naghihinagpis,
Nagsusumamo
Kaya't aking ibinabalandra
mga tanikalang nagbubukod
Sa karangyaan at kalayaan
Lalo na ang katiyakan
na hindi pa rin natatamasa ng Inang Bayan
Ang kagustuhan niyang masira ang gapos
Kung iyong pagmamasdan
Batid kong hindi siya makahinga
Palibhasa maraming pera
Ang yamang umaapaw
Ay nabalita sa sandaigdigan
Sa pagtatapos ng aming pagpupulong
Maraming kandila ang naupos
Kahit ang tinta ng pluma'y mauubos
Subalit ang pinta sa aking brotsa ay lilimbag
Sa bawat kamalayan na nais kumawala't lumaya. ~
Cris Tesoro, 2021
Artwork by: MJ Sarmiento
Comments