Isang Pagbabalik tanaw: Renz Dominique Opamil
Sa halos isang taon ng aking pananahimik at hindi pagsulat para sumaya, marami akong napalampas na magagandang pagkakataon.
Hindi ko napasalamatan ang aking ama't ina sa pagiging mabuting magulang nila. Hindi rin ako nakadalaw sa mga yumao kong kapamilya. Bilang na lang din sa daliri ang bawat pag-uusap sa aking mga kaibigan.
Hindi man sadya, subalit masyado akong abala sa pagsalba sa aking sarili sa araw-araw. Sigurado akong lahat tayo.
Nagiging paulit-ulit ang bawat nangyayari. Gigising, matutulog, babaybayin ang lungsod, mag-aaral at uuwi. Maswerte na kung may maisingit na gala kasama ang pamilya at kaibigan.
Nakaka-miss ang bawat jamming noong high school. Kakanta ng Chasing Cars ng Snow Patrol, at masusundan ng OPM na Magbalik. May maggigitara sa harap, kahit intro lang ang alam. Hindi na rin ganoon kadalas ang bawat kwek-kwek after class, marami ng hinahabol na deadlines.
Sa halos isang taon ng pananahimik, palaging sumasagi sa isip ko na dapat pala ay mas inenjoy ko ang bawat oras na kasama ang mga tao sa paligid ko.
Mas tinapangan ko at nag-take ng risks.
Nagpakumbaba at humingi ng tawad.
Nag-confess.
Nagsabi ng I love you sa aking Ina at Ama.
Nakibaka para sa bawat mamamayang walang boses.
Sa dulo ng taon talaga ito ay babalik sa iyo. Ngunit sana sa susunod na taon ay hindi mo na sila makaligtaan. Na hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat tahimik ka.
Binabati kita gaya ng pagbati ko sa sarili kong kinaya ko. Sa muli kong pagsusulat, sana ay nasa mabuti kayong kalagayan.
Comments