Ganitong-ganito rin ang panahon noon.
Maliwanag ang buwan, at maningning ang mga tala.
Pinangakong hindi mag-iiwanan kahit ano pa man.
Dama ko ang init ng iyong bisig at nahimbing habang nakahiga sa balikat mo.
Pinanghawakan ko ang mga katagang iyon.
Ako’y nagising na lang nang may dumamping tubig sa akin.
Napakalamig, hindi ng tubig kundi ng kanyang tingin.
Nagmakaawa ako at pinilit habulin siya, ngunit hindi pala puwede.
Iyon na pala huling pagkakataon kong mayakap siya,
na makita ang buwan at bituing nagniningning sa kalangitan.
Sana’y kahit maputol ang tali na namamagitan sa atin
ay naisipan mo ring ako’y naghahanap ng kaligtasan.
Maisip mong alagaan nang mabuti ang mga susunod sa mga yapak ko.
Maisip mo ring bantayan si bantay.
Sana’y hindi na ngayon, dahil ganitong-ganito rin ang panahon noon.
~
Chubby Yummy, 2020
Artwork by: Jude Pevin Agbanlog
Kommentare