top of page

Hindi pa rin pasisiil

Renz Dominique Castro Opamil



I


Pangarap ko magsalita, ibuka ang bibig,

Iparinig ang musika, ipitik ang puso’t pumintig,

Ibahagi ang impormasyon, buksan ang mga isip,

Mamahayag, ngunit ba’t ang buhay ay nasa bingit?


II


Pangarap ko magsalita, ngunit ako ngayo’y takot,

Sa bawat kaisipan, bala’t dugo ang babalot,

Nasaan na nga ba ang irespeto ang opinyon?

Sila ang may katungkulan, ngunit ba’t tayo ang nahahamon?


III


‘Di nga dapat matakot, dahil tayo ay tuluyang malaya,

Binigyang kakayahang mag-isip at umunawa,

Maging kampanteng maglakad, matapos gumamit ng hatirang pangmadla,

Maging isang instrumentong pangpuna, upang mapabuti ang gawa.

IV


Pinangarap din ni Percy magsalita, ngunit ito’y natuldukan,

‘Di mabusalan ng mano-mano, kaya buhay ang kabayaran,

Oktubre a-tres bandang alas otso y media ng gabi,

Humimlay ang katawan sa kotseng pangtrabaho’t pangkubli,

V


Hindi man masabi kung sino ang totoong nasa likod,

Ngunit isa ang tiyak, sa pagpatay sila’y nalulugod,

Hindi mahirap magsalita, ngunit ang takot ay mababanaag,

Ang bansang Pilipinas, ay ‘di ligtas magpahayag.

VI


Ilang Percy pa ba? O ilang iskolar o sibilyan ang sasapat?

Ilang panawagan pa ba para ang pamamalakad ay maging tapat?

Ilang babaguhing pangarap, upang masabing ligtas sa red tag?

Kelan niyo ba mamahaling tunay ang bansang itinatag?


VII


Percy, humimlay ka at maglakbay na sa katahimikan,

Ika’y mas nakapag-ingay, ’di ka nawala nang tuluyan,

Hindi ang rehimen o mga sibilyang may bala ang pipigil,

Hustisya ma’y mabagal, mamahayag nang ‘di pa rin pasisiil.


0 comments

Comments


bottom of page