top of page

Dalawang Daan

Renz Dominique Castro Opamil


Gigising ka ng alas tres para lang umabot sa alas singkong biyahe. Ito na lang kasi ang tanging paraan mo para makapasok nang saktong alas otso ng umaga.


'Di lang yan isang beses, kung hindi uulit-ulitin mo sa 5 araw na may pasok, may mailagay lang sa report.


Hindi lang yan ang arawang kalbaryo. Iisipin mo pa kung anong uulamin mo. Kung uulan ba nang bahagya o kung nang dahil ba rito ay mababasa ang nag-iisa mong sapatos.


Sasagi rin ang kaisipang, mahirap kaya ang mapupuntang gawain o magiging maayos ba pakikitungo ng katrabaho?


Isipin mo pa lang ay nakakapagod na.


Kung kaya't bilang anak ng isang karpintero't mason, ay nasaksihan ko na hindi madali ang kumita ng pera. Sa site, bilang arkitekto ay marami nang nakaambang peligro, ngunit paano pa kaya sa kalagayan ng mukha ng lakas paggawang Pilipino.


Ang masasabi kong kaibahan ng pagsasanay sa site ay ang pagharap sa katotohanang ang pagod ng mga tao sa likod ng trabahong ito ay kapos at 'di napapantayan ng kaukulang salapi.


Mahalaga ang kakayahan sa kompyuter at softwares, ngunit mas mahalagang maintindihan kung paano nabubuo ang ating mga plano, mula pundasyon hanggang paglalagay ng disenyo.


Ito ay ang ika-apat na raang oras ko pa lang bilang lakas manggagawa. Ngunit higit sa tamis ng salitang pagsisipag at pagtiyatiyaga ay ang pagtitiis at pagpaparaya.


Ako ay matutulog na, at maghahandang tapusin ang oras na ika-dalawang daan.


0 comments

Comments


bottom of page