top of page
Renz Dominique Castro Opamil

Barya Pa Rin Umaga



I


Mataas na sikat ng araw, hanging kay init,

Daang mapambulahaw, pag ngiting pinipilit,

Uuwing hapo at may bitbit na barbeque at inihaw,

Sasabak muli bukas, hawak pa rin ang balang-araw.


II


“Manong kasiya pa po?” tugon nila ay oo,

“Manong magkano po?”, dose sa malungkot na tono,

Iaabot ang bente sabay sabi ng “Kuya, isang Pureza.”,

“Heto sukli Hijo, ngunit mapagdasal niyo man lang sana.”


III


Pansin ko ang lungkot sa bawat jeepney na masakyan,

“Manong kasiya pa po?”, “Sana ay masagot ko agad ‘yan.”

Binilang niya ang bawat barya, natulala sa kalangitan,

“Sakto lamang pangkain, wala pang boundary ‘yan!”

IV


Saan nga ba aabutin ang kakarampot nilang maiuuwi,

Moderno nga ang itsura, ngunit gutom ay ‘di mapawi.

Gustuhin mang maging makakalikasang totoo,

Ngunit sa kalagayan ng bansa, maraming mapagtatanto.


V


“Hijo narito na tayo sa Pureza.” kami ay ngumiting sabay,

“May awa ang Diyos, ngunit sana sila rin ‘tay.”

Natawa na lang at ipinihit na ang manibela,

Nag-intay nang konti, pandagdag man lang kita.


VI


Kung mahirap na bumiyahe sa eskwela o trabaho,

Paano pa kaya silang nasa gitna ng pagtatalo?

Malaki ang milyon para sa jeep sa EDSA’t probinsya,

Hindi kayang tugunan kung barya pa rin sa umaga.


0 comments

Comentários


bottom of page