top of page

Babaan

Renz Dominique Castro Opamil


“Paparating na sa Quirino Station.”


Iyon ang hudyat ng aking pagbaba sa Light Rail Transit 1. Nakalampas na kasi ako sa Vito Cruz, doon kami magkikita ng dati kong kaibigan.


Kaya ayun habang naghihintay ay napansin kong ito ay kapangalan ng isang pamilyar na tao sa mga libro ng kasaysayan.


“ Elpi…

Elpiidddd…


Ah oo, si Presidente Elpidio Quirino.”


Gaya ng isang kabataan, ako ay nag-search sa internet. Kinuha ang Cellphone, binuksan ang mobile data at pinindot ang google application.


Nag-type ng kanyang pangalan at nagbasa sandali.


Kasama sa paglikha ng Commonwealth at naging Vice President sa pamamalakad ni Presidente Manuel Roxas.


Naupo bilang presidente nang biglaang pumanaw si Roxas.


Nagsaayos ng Pilipinas katuwang ang United States sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa matapos ang World War.


Hinarap ang hamon ng oposisyon sa anyo ng HUKBALAHAP.

Pinalakas ang makinarya at programa sa agrikultura, pagpapalawig ng trabaho, at mga benepisyo sa kalusugan, pagtanda, pagbubuntis at iba pa.


Subalit sa isyu ng kurapsyon ng kapangyarihan, tinalo ng kanyang kalihim sa Kagawaran ng Tanggulang Pambansa sa eleksyon at naupo si Ramon Magsaysay.


“Pakiayos na po ang inyong mga gamit at tumayo po tayo sa sakayan.”


Paparating na pala ang tren na sasakyan ko pabalik ng Vito Cruz.


Ngunit bago ako sumakay, dalawang aral ang nakuha ko.


Maari tayong kumilala ng tao sa mga nagawa niyang kabutihan. At pangalawa, ay maaari pa rin silang magbago kapag nakahawak ng kapanyarihan.


Paalis na ako ng Quirino station, subalit nakalimutan kong magsulat ng mensahe sa kaibigan kong si Elpi. At ngayon ko lang din napagtantong hawig ng pangalan niya ang Presidente at kasing kaarawan pa niya.


“Arriving at Vito Cruz Station, paparating na sa Vito Cruz Station.”


Sakto ang pagkapost ko sa aking social media account ng maagang pagbati.


Ngunit bukod sa mga hiling na isinulat ko doon, ay sana hindi mabahiran ng anumang intensyong manglamang ang kaibigan kong iyon.


Kung ganoon man, ay kaagad akong lilisan, at babaybaying mag-isa patungo sa dulo ng ng aming babaan.

0 comments

Comments


bottom of page