“Alam mo ba kung ano ang tunay na kalayaan?”
Tanong ng isang boses na nangibabaw sa dilim
“Ang kalayaan para sa akin ay ang manatili rito”
Sagot nya sa sariling katanungan
“Ngunit kung mananatili ka rito,
Hindi ba’t isa ka lamang bilanggo?
Paano kang naging malaya,
Kung nakagapos naman ang iyong kamay at paa?”
Sa aking pagsambit ng mga katagang iyon
Halakhak lamang ang kanyang naging tugon
Habang ako’y nanatiling naguguluhan
Kung paano ito naging kalayaan
“Ako’y nakagagalaw, nakapagsasalita,
Walang tinatapakan at ginagawang masama
Alam ang responsibilidad sa bawat gawa
Hindi ba’t ito ay pagiging malaya?”
“Kung ang hangad mo’y kalayaan
Mula sa sakit, sa kamatayan
O maging sa sarili mong kapalaran
Ito’y hindi tunay at isang huwad lamang”
Sa aking pagninilay, doon ko naintindihan
Na nasa ating isipan kung ano ang tunay nitong kahulugan
Hindi ang kung ano ang tinanim ng lipunan
Na ito’y pagiging malaya sa lahat ng aspeto ng buhay
Doon unti-unting nawala ang piring sa aking mga mata
Nakita ang mga ngiting nagmumula sa kanila
Habang sumasayaw sa saliw ng musika
Mga nilalang na laya sa ilusyong ideolohiya
Photograph by: Mark Quirante
Comments