Nakatanaw ako sa isang lumang gusali
Nakakatuwa’t nakita ko itong muli
Ang tahanan ng mga alaala
Kung saan ang aking buhay ay nagsimula
Bumabalik sa aking isipan
Noong mga panahong aking pinagmamasdan
Ang bubong na yari sa pawid at haliging kawayan
Na siyang naging saksi sa kasaysayan
Nasaksihan ng gusaling ito ang mga pagbabago
Mula sa panahon ng ating mga ninuno,
Maging ang pagdating ng mga dayo
Pati na rin paglaya mula sa mga ito
Ito’y sumasalamin sa mayamang nakaraan
Ng ating bayan, ng ating lupang sinilangan
Sumisimbolo rin ito sa bayanihan
Isa ito sa ating mga pagkakakilanlan
Ngunit sa pagdaan ng maraming henerasyon
Ang kubong ito’y tila nawawalan ng atensyon
Sa paglitaw ng makabagong pamamaraan
Tila ang saksi noo’y magiging parte na lamang ng nakaraan
Kung kaya’t dapat nating tandaan
Na ang kubo’y hindi lamang tirahan
Ito’y tahanan ng kultura’t pamana
Isang kayamanang walang katumbas na halaga
Comments