Isang taon na ang nakalilipas mula noong maipasara ang ABS-CBN na noon ay nangunguna sa Philippines’ Top Broadcaster. Ito ay naipasara sa kadahilanang tumanggi na ang kongreso na pirmahan ang nasabing prankisa ng kumpanya na kailangan upang mapanatili ang pag-ere ng estasyon. Maraming lumabas na mga dahilan na kesyo kaya raw naipasara ang estasyon dahil sa nangyari noong 2016 Eleksyon sa Pagkapangulo nang tumanggi ang ABS-CBN na ipalabas ang campaign ads ni Pangulong Duterte at sa bias na paghahatid nito ng balita laban sa Pangulo. Gayon pa man, itanatanggi naman ito ng tagapagsalita ng Pangulo at sinabing: “The palace has maintained a neutral stance on the issue as it respects the separation of powers between the two coequal branches of government” aniya. Sa kabila nito, matapos ang 13 na pagdinig sa kongreso, karamihan sa mga committee ay sumang-ayon na naging dahilan nga ng pagpapasara ng kumpanya.
Kalakip ng pagpapasara ng estasyon ay ang kawalan ng trabaho sa mahigit kumulang 11,000 na manggagawa. Para sa mga taong ito, hindi biro ang mawalan ng trabaho sa panahon na may pandemya. Maraming manggagawa ang nawalan ng kabuhayan kalakip ng pagpapasara ng mga programa ng nasabing kompanya. Makatarungan ba ito, na sa tumataas na bilang ng unemployment sa bansa, dumagdag pa ang halos labing isang libong manggagawa na nawalan ng trabaho sa panahon pa ng pandemya? Kailangan ba talagang unahin pa ng gobyerno ang ganitong bagay sa halip na pagtuunan ng pansin na tulungang maka-ahon ang mga Pilipino?
Sa kabila ng mga pagsubok na kinaharap ng mga manggagawa, artista at pamunuan ng kompanya, patuloy pa rin ang pagseserbisyo nila sa bansa. Kinailangan man nilang magbawas ng mga tao, may mga artista na may kani-kanilang personal na rason na nagtulak sa kanilang lumipat sa ibang estasyon, nawalan man sila ng pagkakataon na maipalabas ang kanilang programa sa telebisyon, hindi pa rin sila tumigil na magserbisyo sa mga Pilipino. Ginamit ng ABS-CBN ang Social Media platform upang patuloy na kumonekta sa mga tao. Ang mga programa at teleserye ay patuloy na ume-ere sa youtube at facebook live. ANg kanilang website na iWant TV TFC ay patuloy rin sa pagpapalabas ng mga programa at teleserye. Hindi rin nagkulang ang kanilang mga reporters na maghatid ng balita at kaganapan sa bansa sa tulong ng kanilang mga social media accounts. Maraming kalamidad, bagyo, covid-19 updates at mahahalagang kaganapan ang nangyari sa bansa ngunit patuloy pa rin ang estasyon sa pagpapahatid ng balita. Maging ang buwis buhay nilang coverage sa West Philippine Sea kung saan naka-engkwentro nila ang barko ng Tsina, ay magpapakita ang dedikasyon ng estasyon para kumuha at maghatid ng balita ukol sa kasalukuyang lagay ng Pilipinas. Hindi rin nahinto ang Sagip Kapamilya Program ng ABS-CBN upang patuloy na tumulong sa mga taong naging apektado ng kalamidad at ng pandemya.
Sa madaling salita, hindi naging hadlang ang kawalan ng prankisa para ipagpatuloy ng estasyon ang pagseserbisyo para sa mga Pilipino. At para sa isang kompanya na nagbibigay ng trabaho sa libo-libong Pilipino, patuloy na tumutulong sa oras ng pagsubok at kalamidad, patuloy at buwis buhay na naghahatid ng balita, hindi ba malaking tulong sa bansa kung mabibigyan silang muli ng prangkisa? Ano ba ang pumipigil sa kongreso para ibalik o ibigay ito?
コメント