top of page

TINDIG ARKITEKTURA

Jamaica Rose Mana-ay

ARKITEKTURA—isa sa mga sektor na ‘di gaanong nabibigyan importansya sa lipunang ating ginagalawan. Madalas ito’y napapagpalit o napapagpaliban dahil sa kahanay-sektor nitong pag-iinhinyero, kung kaya’t hindi ito nabibigyan ng naaayong pagkilala. Ngunit, sa bihira o isang beses sa isang milenya, ang arkitektura ay lumilitaw at tinitingala. Bilang anak ng industriyang ito, ano nga ba dapat ang ating pananaq sa mga bagay na may kinalaman sa arkitektura? Oo, ating layunin ay makilala at mabigyan parangal ang ating industriya ngunit lahat nga ba ng pagkilala mula sa sektor na ito ay makabubuti sa bansa?


Dako sa usaping politikal, ang taong rurok umano ng arkitektura sa bansa ay taong dekada sitenta, panahon ng pagkakaupo ni Marcos, taon pagkatapos ng digmaan. Maraming nagsasabing ang panahon raw na ito ay “golden era” hindi lamang daw umano ng bansa, kundi pati na rin ng arkitektura. Ganito ang pananaw ng karamihan dahil na rin sa mga gusaling nakatirik sa mga siyudad na ibinibida ng karamihan kahit karamihan dito ay hindi naman maaaring magamit ng karamihan o karaniwang Filipino. Mapanganib ang papanaw at kaalamang ito sa mahabang panahon; una, nakulong tayo sa kaisipang ang pagtatayo ng maraming gusali ay nangangahulugang pagiging progresibo at maunlad ng isang bansa. Pangalawa, isa sa mga dahilan kung bakit maraming naipatayo na gusali ay dahil ito sa malawak na bakanteng kalupaang pwedeng tayuan ng imprastraktura at hustong panahon na pagtanaw sa maaaring gawing hakbang sa pag-unlad. Pangatlo, saan nga ba galing ang mga pondong ginamit sa pagpapatayo sa mga gusaling ito at sino ang nakinabang sa mga gusali? Bagamat ang mga ito ay “state-sponsored”, ito ay mga utang na tayo ring mga Filipino ang nagbabayad sa pamamagitan ng mga buwis na ikinakaltas sa atin buwan-buwan. Isa pa, karamihan sa mga proyekto ay hindi nagagamit ng karaniwang mamamayan at iilang partikular na sektor lamang sa lipunan ang may pribilehiyong magamit ang mga ito. Kung susumahin, hindi talaga masasabing katumbas ng pag-unlad ang pagkakaroon ng maraming


gusali. Isang ilusyon na progresibo ang ating bansa noon nang dahil sa pag-angat ng arkitektura. Naging sistematiko ang paggamit sa arkitektura bilang propaganda sa bihis ng kaunlaran. Sa kasawiangpalad, patuloy itong nagagamit at hanggang ngayon ay marami pa ring hindi naliliwanagan sa taktikang ito, maging sa ating mga kapwa bata ng arkitektura.


Hindi lamang paggamit ng politika sa arkitektura ang nakababahala kundi ang politika mismo sa loob ng komunidad ng arkitektura. Ang lipunang dapat kapitan at sandalan ng mga kapwa arkitekto ay unti-unting nagiging kompetisyon maging sa ginagalawan ng mga estudyante. Ang relasyon at koneksyon ng arkitektong tagapagturo at mag-aaral ng arkitektura ay nagkaroon ng malayong puwang at agwat lalo na ngayong panahon ng pandemya—maliban sa pagitang pisikal na layo at hamon ng pagtutastas, ang pagmamalabis ng kapangyarihan ng ilang tagapagturo ay nagsasanhi ng pakakawatak ng mga bagong henerasyon ng arkitekto mula sa mga hinalinhan nito.



Kung susumahin, wala talagang perpektong sektor o lipunan. Ang tanging maaaring panghawakan lamang natin at ipaglaban ay ang prinsipyong ating dapat pangangukan bilang alagad ng arkitektura—paggalang at pagsunod sa batas at pagpapanatili ng ating industriya bilang malinis at marangal. Hindi madalas mabigyan pansin at hindi madalas nabibigyan parangal ngunit malaki ang salik ng arkitektura sa kolonyalismo ng isang bansa at isang pag-iisip. Isa ang arkitektura sa humuhubog sa atin bilang isang bansa at bilang isang lipunan. ARKITEKTURA—isa sa mga sektor na ‘di gaanong nabibigyan importansya sa lipunang ating ginagalawan. Ngunit, kung ang kasikatan ng sektor na ito ay may kapalit na pagkabulag ng ating mamamayan, mas mabuti pang magtrabaho ng tahimik ang ating industriya at hayaang resulta ang magbigay ingay.



0 comments

Related Posts

See All

Comentarios


bottom of page