Kasalukuyang tinatalakay ang pagpasa sa House Bill 10234, kung saan isinasaad ang iba’t ibang probisyon at pagbabago sa ngayo’y Batas Republika 9622 o ang tinatawag na “The Philippine Architecture Act”. Isinasaad sa bill na ito ang mga pagbabago kung saan tinatalakay ang pagtaas ng mga polisiyang gumagabay sa mga Arkitektong Pilipino – layunin ng HB 10234 na mas paigtingin ang kompetisyon sa larangan ng arkitektura sa pangrehiyonal at nasyonal na antas. Bagama’t mayroon nang mga batas na gumagabay sa mga Pilipinong Arkitekto, nais bigyang pansin ng bill na ito ang paghina ng progreso sa larangan ng maka-Pilipinong Arkitektura kung saan inisinasaad na ang maka-pilipinong istilo ay tumatawid sa “isolationist stance”, na nais paigtingin sa pamamagitan ng pagpapalawig ng kompetisyon at paghihigpit ng mga probisyon.
Isinasaad sa HB 10234 ang pagtaas ng porsyento ng grado sa pagkuha ng licensure exam; kung saan 70% ang hinihinging General Weighted Average, habang hindi bababa sa 60% ang mga grado na nakuha sa bawat asignatura ng pagsusulit. Gayunpaman, pagkatapos ng tatlong taon kung sakali’y maisasabatas ito, ay tataasan pa ang grado na dapat na makamit; 75% ang General Weighted Average at hindi naman dapat bababa sa 65% ang grado sa mga asignatura ng pagsusulit. Ang probisyon na ito ay mas lalong nagpabigat sa alalahanin ng mga estudyanteng kumukuha ng kurso sa Arkitektura. Sa kasalukuyan, isa ang Arkitektura sa mga kursong may mataas na pamantayan sa mga unibersidad. Dagdag pa rito ay may mga pamantasan din na nag-iimplementa ng Qualifying Exam na dapat ipasa ng mga estudyante upang makatuloy sa kursong ito. Bukod pa dito ay mayroon ding mga hakbang sa pagtatapos ang ginagapang ng mga naghahangad maging Arkitekto upang makamit lamang ang titulong “Architect” o “Ar.”.
Maaaring nararapat lamang pagdaanan ang ganitong hakbang dahil hindi naman talaga madali ang trabaho at responsibilidad na pinanghahawakan ng isang arkitekto. Sa kabilang banda, ang pagsasabatas ng panukalang ito ay nagbibigay lamang ng karagdagang pasakit sa nagnanais na maging Arkitekto.
Bukod pa sa probisyong ito, isinasaad din sa panukalang batas ang bilang ng pagkuha ng licensure exam at nilimitahan na lamang sa tatlo. Sa pangatlong pagkuha ng pagsusulit at hindi pa rin ito naipasa ng aplikante, hindi na siya maaring sumubok pang muli. Sa pangalawang beses naman nang hindi pagpasa ay kailangang kumuha ng Refresher Course bago muling sumabak sa pagsusulit. Hindi ba’t sapat nang pamantayan ang licensure exam sa pagiging isang arkitekto? Ang paglilimita sa pagkuha ng pagsusulit ay paglilimita rin sa pangarap ng sinumang naghahangad na maging Arkitekto. Ang probisyong ito ay hindi naaayon at wala naman talagang tunay na halaga, ito ay maari lamang maging sanhi sa paglaganap ng ilegal na pagsasanay sa hanay ng mga lisensyadong Arkitekto.
Isa rin sa mga kontrobersyal na isinaad ng bill na ito ay ang pagpapawalang bisa ng pirma ng Arkitekto para sa mga konstruksyon ng mga pampublikong lugar na hindi lalagpas sa 100 sqm gross floor area kung saan ito ay hindi maaaring mag silbing pang-edukasyonal, pangkalusugan, panrelihiyon, pantanghalan, pagwawasto, dormitoryo, hotel at lodging, pabahay o apartment, at iba pang pasilidad na likas na makapeligroso. Sa pagsasaad na ito ay isinasawalang bisa ang trabaho ng isang arkitekto at tuluyang nagpapalawig sa ilegal na praktisa ng arkitektura na matagal nang suliranin ng propesyon. Tila kaibahan sa layuning isinusulong nito para pag-ibayuhin pa ang larangan ng arkitektura sa bansa.
Nagsasaad din ng iregularidad sa nasabing panukalang batas kung saan ang board members na may siyam (9) na bilang na kasapi ay dapat na mayroong tig-isang Interior Designer at Inhinyero. Iginigiit nito na ang pagsasama sa mga nabanggit na larangan ay bunga ng pagkakaugnay nito sa Arkitektura. Ngunit sa kabilang banda, ang kawalang representayon ng mga arkitekto sa board members ng Civil Engineers – o anumang kursong panginhinyero at Interior Design ay nagpapalawig lamang ng hidwaan na kasalukuyang sistema na mayroon sa pagitan ng dalawang propesyon. Kung saan ang mga inhinyero ay mayroon kakayahang pumirma sa mga planong pang-arkitektura, samantalang wala namang abilidad ang Arkitekto na pumirma sa mga planong pang-inhinyeriya.
Marami ang umaalma sa panukalang batas na ito dahil sa dagdag na pahirap na dulot lamang nito. Imbis na makatulong pa tuloy ay mas lalo lamang nitong hinihikayat na mangibang bansa mga Pilipinong Arkitekto para sa mas magandang praktisa ng propesyon sa Arkitektura. Sa kabila ng pagkakaroon ng batas na nagbibigay ng probisyon sa propesyon ng Arktiketura ay nais pa ring bigyang dagdag pasanin ang mga nangangarap na maging Arkitekto. Walang Arkitekto o nagnanais na maging Arkitekto ang dapat na mapag-iwanan dulot ng masalimuot na kompetisyon sa larangan. Ang probisyon ay dapat na nagbibigay ng tulong at himukin ang mga Arkitekto tungo sa progresong hinahangad para sa propesyon lalo pa’t hindi madali ang tinatahak na daan ng mga estudyante upang makamit ang titulong Arkitekto.
Comments