Ngayong ika-tatlumpung araw ng Nobyembre, ginaganap ang taunang pag-alaala sa kapanganakan ni Andres Bonifacio o Supremo dahil sa kaniyang pamumuno sa rebolusyon ng Pilipinas laban sa Espanya, ang unang rebolusyon sa Asya na lumaban sa pananakop ng mga bansang imperyalista sa Europa. Madalas ilarawan ang Supremo na palaban at ang hawak ay bolo ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, si Andres ay masibang mambabasa at maalam na manunulat. Ilan sa mga akdang kaniyang nabasa ay The Ruins of Palmyra: Meditations on the Revolution of the Empire, History of the French Revolution, Les Miserables, at ang tanyag na mga gawa ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo.
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Ngayong araw ni Bonifacio, maliban sa pagbibigay alaala at paggunita sa kaniyang mga naiambag sa ating kalayaan—natapos ang unang serye ng Opinyon. Nawa'y ang araw na ito ang magsilbing pagmu-munimuni natin sa ating mga opinyon sa mga isyung sambayanan at pakikialam sa mga katiwalian, lalo na bilang iskolar ng bayan. Kasabay ng paggawa ng mga aktibidad na para sa akademya ay pagsisiyasat ng ating mga katayuan sa mga usapang panlipunan—gaya ni Bonifacio.
Pagpuring lubos ang nagiging hangad sa bayan ng taong may dangal na ingat, umawit, tumula, kumatha’t sumulat, kalakhan din nila’y isinisiwalat. Ngayon ang araw na ating dapat gunitain ang Ama ng Rebolusyon hindi lamang sa mga post at pagbati ngunit sa ating mismong paraan ng pag-iisip at pagkilos. Iba't-ibang uri ng pagpapahayag ng katiwalian at karapatan ng mamamayan—may ilang tahimik ang bibig ngunit maingay ang panulat, ang ilan nama'y nasa mga kalye at matapang na hinaharap ang init at takot sa walang katiyakan.
Kalakip din nito’y pag-ibig sa bayan. Ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal mula sa masaya’t gasong kasanggulan. Hanggang sa katawan ay mapasa-libingan. Hindi totoong mas malakas ang isa kumpara sa isa. Hindi kayang ipanalo ng panulat ang mga labanan at hindi kayang sumulat ng espada ng panulaan. Parehong may kaniya-kaniyang lakas at pareho'y kailangan ng ating bayan. Madalas nating isiping o naipapamukha sa atin—tayong mga kabataan, hindi muna dapat makialam at wala pang sapat na kaalaman. Ating tugon, tayo ay mas lalong dapat makialam kung gayon ang kanilang kaisipan sa mga kabataang magiging pag-asa ng bayan. Ating tungkulin ang mangalap at maging matakaw sa kaalaman at nangyayari sa paligid. Hindi nakakulong sa apat na sulok ng pader, mga lapis at papel, at t-square ang ating tungkulin. Nasaan ang dangal ng mga Tagalog? Nasaan ang dugong dapat na ibuhos? Bayan ay inaapi, bakit di kumikilos at natitilihang ito’y mapanuod.
Ngayong araw ng Ama ng Rebolusyon, araw din ito ng pag-usbong nang pag-iisip ng kritikal na opinyon—hindi lamang pang-akademiko kundi para sa ating nasyon. Ang pagkakaroon ng malayang kamay ang susi sa pagpapalaya ng ibang mga kamay. Ang ugat ng pagkakaroon ng malayang kamay ay pagkakaroon ng malayang pag-iisip—malaya sa pagkiling at pagtatangi at katotohanan lamang ang minimithi. Ipaghandog-handog ang buong pag-ibig hanggang sa mga dugo’y ubusang itigis kung sa pagtatanggol, buhay ay (mailit). Ito’y kapalaran at tunay na langit. Mula sa bayan, para sa bayan.
Comentários