top of page

Maguindanao massacre: paggunita sa karimlan

Kathleen May P. Villareal

Mayroon bang kilalang pamilya sa inyong lugar? Bakit sila kilala? Sila ba ay pamilya ng mga artista, pamilya ng mga mayayaman, o pamilya ng mga politiko? Matagal nang nangyayari ang tinatawag nating Political Dynasty na karamihan sa mga namumuno sa isang lugar ay nabibilang sa iisang angkan. Marami ang gustong mamuno. Marami ang gustong makakuha ng pwesto, ngunit hanggang saan ang kaya mong gawin para sa kapangyarihan? Hanggang saan ang kaya mong gawin upang mapanatili ang iyong kinauupuan?


Isang umaga noong ika-23 ng nobyembre taong 2009, 58 katao ang walang habas na pinatay sa lugar ng mga Ampatuan sa Maguindanao. Ang mga taong ito ay ang asawa, babaeng kapatid at iba pang myembro ng pamilya ni Esmael “Toto” Mangudadatu na dapat sana ay magsusumite ng kanyang Certificate of Candidacy sa paggiging alkalde, at kabilang sa mga taong pinatay ay ang 32 na mamamahayag. Ang kanilang convoy ay dinala sa isang burol sa Sitio Masalay at doon ginanap ang pagpatay. Ilan sa mga katawan ay inilibing sa lugar kasama ang mga ginamit na mga sasakyan, ngunit may mga labi rin na hinyaan na lamang na nakakalat sa lugar.


Batay sa mga nakakita, ang tinuturong namuno ng pagpatay ay ang kasalukuyang alkalde noong panahon na iyon, si Andal Ampatuan Jr.

Batay sa ulat ng Cable News Network Philippines (CNN), matapos ang isang dekadang pakikipaglaban ng pamilya ng mga biktima na mayroong mahigit tatlong daang saksi, noong ika-19 ng disyembre 2019, nakamit na nila ang pinakaaasam na hustisya. Ang mga akusado at sangkot sa pagpatay kabilang na si Ampatuan Jr. ay pinatawan ng panghabangbuhay na pagkakakulong.


Dahil sa sa Maguindanao Massacre o tinatawag din na Ampatuan Massacre, ito ang tinaguriang pinakamalalang pagpatay ng dahil sa politika sa kasaysayan ng Pilipinas at naging dahilan din ng pagiging ika-limang pwesto ng Pilipinas sa pinakamalalang krimen o pagpatay laban sa mga mamamahayag dahil mahigit sa 30 mamamahayag ang nadamay sa massacre na ito. Dito natin mapagtatanto kung gaano kahirap ang trabaho ng mga mamamahayag, kung ano ang mga isinasaalang alang nila para lamang magampanan ang kanilang mga sinumpaang tungkulin. Buhay ang isinasakripisyo nila para makapaghatid lamang ng balita sa taong bayan, at ito ang makukuha nilang kapalit?


Bagaman nakamit na ng mga biktima ang hustisya, hindi pa roon natatapos ang laban. Hindi pa roon natatapos ang pagluluksa ng mga nawalan. Hindi roon natatapos ang pagluluksa ng mga taong nawalan ng ina, ama, kapatid, at kapamilya nang dahil sa pagkaganid ng mga tao para sa kapangyarihan. Limampu’t walong inosenteng buhay ang ninakaw mula sa kanilang mga mahal sa buhay, para lamang mapanatili ang kapangyarihan sa isang pamilya?

Hindi natin maitatanggi na hanggang ngayon, may mga taong ganid pa din sa kapangyarihan. May mga taong umaabuso sa kapangyarihan at hindi lang ito nangyayari sa politika maging sa maliliit na sitwasyon. Ginagamit ang kapayarihan para manakit ng kapwa. Ginagamit ang kapayarihan para makapanlamang sa kapwa. Ginagamit ang kapangyarihan para mas palakasin pa ang pwersa. At ang kanilang paraan? Dahas.


Hanggang kailan mangyayari ang mga ganito? Bakit hindi natin gamitin sa tama kung ano ang mayroon tayo? Hindi masama ang pagiging makapangyarihan, bagkus ang pagpapaalipin dito. Hindi mali ang pagkakaroon ng katungkulan, bagkus ang pag-abuso rito. – Kathleen May P. Villareal/The Freehand Opinion

Illustration by: Ivan Lester Castañeto

0 comments

Comments


bottom of page