top of page
Jamaica Rose Mana-ay

Lider Estudyante: Puyat, Hirap, at Tiyaga



Ngayong taong panuruan, marami ang umusbong na organisasyong pang-estudyante; kabilang na doon ang Environmental Planning Society, para sa mga mag-aaral sa kursong Environmental Planning, Aspiring Women Architects of the Philippines para sa mga estudyanteng kababaihang kumukuha ng kursong arkitektura, at CADBE Research club para sa mga mag-aaral na may kuryosidad sa pagdiskubre ng mga badong kaalaman.


Kung iisipin, bakit nga ba maraming nagsusulputang organisasyon habang naglalayag ang panahon? Ano nga ba ang napapala ng mga taong ito? Pangalan? Katanyagan? Kapangyariahan? Sa mapanghusgang pananaw at kasaysayan ng ating bansa sa usaping pamunuan, hindi ko rin masisisi ang iba sa atin kung bakita naging ganito na rin ang ating perspektibo para sa mga taong tumatayong lider.


Ngunit kung susumahin, ang mga lider estudyante na ito ay hinahati-hati ang kaniyang bente-kwatro oras sa pamilya, pag-aaral, pagsisilbi, at oras para sa sarili. Ang pagtindig para sa tama at upang magsilbi ay isang tawag ng paglilingkod na hindi para sa lahat. Nakakapagod, nakakaubos, at nakakatuyo ng pagkatao. Marami kang makakasalamuha, marami kang maririnig na kwento mula sa iba’t-ibang tao, marami kang makakabangga sa laban na iyong pinili. Kaya, para saan nga ba ang posisyon at paghihirap na ito?


Ika nga ni Heneral Montgomery, “Leadership is the capacity and the will to rally men and women to a common purpose and the character which inspires confidence.” Bilang isang mag-aaral at kabilang sa institusyong pinapatakbo ng buwis ng taong-bayan, parte na ng ating pagpasok dito ang ipaglaban ang karapatan ng taumbayan, bigyang boses ang mga wala, at magsilbing ilaw sa mga ‘di maabot ng liwanag. Maraming organisasyong naglitawan ngunit bawat isa sa mga ito ay may kanya-kanyang layunin at madlang may pare-parehong kwento. Ang mga lider estudyante na ito ay walang tigil ang puyat, hirap, at pagtitiyaga sa kakaisip kung paano masosulusyunan ang puwang sa isang aspeto ng lipunan o komunidad na kaniyang ginagalawan—habang itinataguyod ang pag-aaral, ginagampanan ang tungkulin sa pamilya, at sinusunod ng taimtim ang kanilang skincare sa gabi.


Isang malaking saludo para sa lahat ng lider estudyante na piniling tahakin ang landas na ito. Ang pagtindig para sa tama at upang magsilbi ay isang tawag ng paglilingkod na hindi para sa lahat. Nakakapagod, nakakaubos, at nakakatuyo ng pagkatao, ngunit, bilang isang nagmamahal ng walang kondisyon, alam nating magbubunga rin ang lahat ng ito.

0 comments

コメント


bottom of page