top of page

KAKAIBAkla

Jamaica Rose Mana-ay


Sa isang tradisyunal na Filipinong sambahayan at lipunan, maituturing na isa sa mabibigat na maririnig ng isang magulang—maliban sa buntis o naka-buntis ang kanilang anak, ay ang malamang bading, tomboy, o binabae ang kanilang anak. Ang awitin ni Aristotle Pollisco, o mas kilala sa katagang “Gloc 9”, na pinamagatang “Sirena” na inilabas noong 2012 ang isa sa magagandang representasyon na sumasalamin sa katotohanan noon para sa ating mga kapatid na LGBTQIA+. Lumaon ang panahon at natutuhan na ring tanggapin ng ilan ang katotohanang hindi lamang dalawa ang kasarian at oryentasyon ng isang tao—na ang usaping sekswalidad ay hindi lamang sagutan ng oo o hindi. Masasabing utang natin sa henerasyong ito ang pagtanggap at pagkilala sa mga nasa hanay ng ikatlong kasarian. Maliban sa ingay ng henerasyong ito ukol sa pantay-pantay na karapatan para sa lahat ng kasarian at iba’t-ibang sekswalidad, isa ang teknolohiya sa nagbigay entablado at awtlet sa ating mga kabaklaan. Kung noo’y maituturing na “insulto” ang pagtawag ng “bakla, bading, tomboy, binabae, bayot, beki” at iba pa, sa panahon ngayo’y hindi na ito nakakaapekto bagkus isa pang karangalan na ika’y kilalanin sa iyong totoong pagkatao.


Ngunit hindi pa rin natatapos rito ang laban at pagsubok ng pagiging isang ikatlong kasarian. Bilang isang miyembro ng mga hindi tuwid, hindi sapat na kilalanin lamang ang iyong kasarian at hindi ka bigyan ng pantay na karapatan gaya ng mga salungat na kasarian. Hindi na sapat na kilalanin ka bilang bakla; ngunit kailangan mo pa ring mamuhay sa tradisyon na iyong kinalakihan. Ang mga suliraning kinakaharap ng mga kabaklaan sa ngayon ay hindi na lamang usaping pagkilala at emosyonal, bagkus maipapasok na sa usaping legal, politikal, at nasyonal. Isa sa mga ito ay ang pagpasa sa mga batas na nagbibigay ng pantay na karapatan sa kabaklaan sa pook-gawaan, pagpa-pamilya, at pagrerepresenta sa totoong kasarian sa mga pagdiriwang gaya ng pagtatapos, kasal, at patimpalak. Ang maging bakla o maging miyembro ng ikatlong kasarian, sa panahon ngayon, ay isang pagpapala at isang sumpa. Masasabing malayo-layo na tayo—bilang isang bansa, ngayon kumpara sa dati nating asal ukol sa kontekstong ito. Ngunit ang kalakip na negatibong pag-uugali ng ating mga kapwa Filipino, lalo na ang mga purong kababaihan at kalalakihan, ay natural ding dumoble. Dumami man ang suportang ating natatanggap mula sa ating kapwa ikatlong kasarian at mga tuwid, dumoble rin naman ang panguusig ng iilan. Masasabing malayo-layo na tayo—bilang isang bansa, ngayon kumpara sa dati nating asal ukol sa kontekstong ito, ngunit marami pa sa ating kapatid ang nangangailangan ng tulong kung kaya’y malayo-layo pa rin ang ating kailangan tatakbuhin.


Kung noo’y maituturing na “insulto” ang pagtawag ng “bakla, bading, tomboy, binabae, bayot, beki” at iba pa, sa panahon ngayo’y hindi na ito nakakaapekto bagkus isa pang karangalan na ika’y kilalanin sa iyong totoong pagkatao. Katulad na lamang ng orihinal na kahulugan ng salitang queer na “hindi karaniwan”, “walang kaparis”, at kataka-taka na ginamit bilang salitang palansak noong 1980s para sa lahat ng ikatlong kasarian, hindi na dustang matawag na kakaiba o hindi karaniwan. Bagkus ang mga salitang bading at kataka-taka ay mga salitang nakakatuwang matanggap sapagkat alam mong ika’y tunay sa iyong sarili at sa iyong bayang sinilangan. Hindi sa kasarian natutukoy ang halaga ng isang tao—ito lamang ay isang aspeto at isang porsyent mula sa komplikadong pagpapakatao. Ang maging kakaiba at maging bakla ay isa sa mga karangalang ikinagagalak ko/nating matanggap—kakaibakla.



Illustration by: Khaila Mae Faustor

0 comments

Comments


bottom of page